Isa siyang superstar,
rockstar na daig pa ang lahat ng bituin sa kalangitan sa kanyang
kaningningan. Tanyag ang kanyang pangalan sa bawat sulok ng mundo, walang taong
nasa tamang kaisipan ang hindi kilala ang kanyang pangalan. Pag natutunan na ng
tao manood ng TV, makapagbasa ng dyaryo o mag-browse ng internet,
kamangmangan na lamang ang hindi siya makilala. Sinisigaw ang kanyang pangalan
saan man siya magpunta. Pinupuno niya ang bawat arena, coliseum, mall, hotel, o kahit anong open space na kanyang mapuntahan ng mga taong sabik marinig ang
kanyang boses at makita ang kanyang matikas na tindig. Bata, matanda, babae,
lalaki, bakla, tomboy, butiki man o baboy, siya ang hinahangaan, siya ang
pinamamarisan, siya ang tinitingala, lahat ay gustong maging kagaya niya. Hawak
niya sa kanyang mga palad ang susunod na pag-uusapan, ang magiging uso sa buong
mundo. Siya ang nagtatakda ng susunod na trend
para sundan ng sangkatauhan. Siya ang pinakamakapangyarihang tao sa buong mundo
dala ng kanyang impluwensya at maaaring sa mga susunod pang henerasyon. Biyaya
siya ng langit sa mundo. Siya si Ira,
isa siyang pilosopo!
Sa dimensyon ng mundong ito, ang kapangyarihan, katanyagan,
at yaman ay para sa mga taong ginagamit ang kanilang utak para mag-isip. Hindi
ito ibinibigay sa mga taong pa-cute
lang, madaldal lang, pasikat lang kahit wala naman talagang kakayanan. Ang
mundong ito ay hindi para sa mga taong naghahangad lang ng katanyagan nang sa
gayon ay kumita ng maraming pera. Ang mga tao sa mundong ito ay naiintindihan
na kapag hinubog mo ang iyong talento at talino ng higit sa kakayanan ng
karamihan ay kusang darating ang mga gantimpala sa buhay mo. Hindi mo kailangan
gumawa ng sex video, mag-pose ng sexy sa magazine,
magmukhang tanga, gumawa ng kakaiba pero walang kuwentang bagay para lang
sumikat. Hindi dito hinahabol ang kasikatan o kayamanan, ang hinahabol ng mga
tao ay ang walang kaparis na kakayahan ng isip at ng katawan. Greatness.
May malaking pagtitipon ngayon sa bulwagang ipinangalan sa
kanya. Ito ang isa sa pinakakilalang tourist
attraction sa mundo. Gawa ang gusali mula sa pinakamatitibay at pinakamahal
na materyales. Ang mga inhinyero, arkitekto at alagad ng sining na nagtayo nito
ay inimbitahan mula sa iba't ibang bansa bilang pagpupugay sa pinakadakilang
pilosopo ng mundo. Ang disenyo ay nakaayon sa kanyang unang paniniwala sa
esensya ng sining sa mundo, na tinawag niyang Leuchte, gamit ang natural na liwanag mula sa araw ay hindi na
kailangang gamitan pa ng kuryente ang buong lugar dahil paniwala niya, lahat ay
ibinigay na ng kalikasan, ang dapat nating matutunan ay kung paano makiayon
dito. At para ito maisakatuparan, ginamit ng mga inhinyero ang salamin at
kristal bilang pangunahing kasangkapan. Nakasabit naman sa pasilyo ang iba't
ibang larawan ng kanyang mukha gawa ng mga tanyag na pintor sa iba't ibang
larangan gamit ang iba't ibang materyales, sa gitna ay ang kanyang self-portrait.
Ngayon ang araw na inaabangan ng lahat, ang araw ng muli
niyang pagsasalita na ginagawa lamang niya isang beses sa isang taon, na mas
kilala sa tawag na “Sermocino”. At
ito rin ang kauna-unahang pagkakataon na magsasalita siya sa bulwagang ito, o
maaaring kahuli-hulihan. Ubos na ang tiket limang araw mula ng ianunsyo kung
saan at kailan gaganapin ang kanyang sermocino.
At tulad ng mga nauna niyang sermocino nang nakaraang mga taon, kinakabahan pa rin siya. Anim na
buwan niyang pinaghahandaan ang dalawang oras na pangyayaring ito para hindi
mabigo ang kanyang mga tagapakinig, at ang buong mundo na mapapanood na lamang
sa video o mababasa na lamang sa
diyaryo ang kanyang sasabihin. At kasabay nito ay ang paglabas ng kanyang
bagong libro na siguradong magiging bestseller
ng ilang buwan sa bawat bansa. Ang titulo ng kanyang libro ay nalalaman lamang
ng mga tao sa kanyang sermocino,
parte ito ng pagpapanabik at pagpapataas ng hype.
Ito ang isa sa mga pangyayaring hindi kailangan ng advertisement. At sa nakaraang tatlumpung taon ay hindi niya pa
binibigo ang mga tao sa kanyang sermocino
at sa kanyang mga librong naisulat. Sa bawat taon ay mas lalo siyang nakikilala
at ang panahong ito ang kanyang Golden
Age.
May importante siyang sasabihin sa buong mundo na walang
sawang nakikinig sa kanya. Ito ang panahong hindi niya hinintay sa mahaba
niyang karera sa makinang na mundo ng akademiya. Tiyak niya magugulat ang lahat
dahil wala ito sa kanilang hinagap, kahit nga sa sarili niya mismo, hindi niya
alam na darating siya sa ganitong pagkakataon. Kasama ang buong mundo ay gusto
nilang mabuhay siya magpakailanman, pero katulad ng mga nauna at susunod na mga
mortal, hindi maaari.
Naging mahaba at mahirap ang kanyang karera sa akademiya.
Noong nagsisimula pa lamang siya at isa pa lamang siyang estudyante sa hayskul
ay iba pa ang gusto niyang gawin sa buhay. Gusto niyang maging pintor, iskultor
at arkitekto. Gusto niyang maging artist.
Naniniwala siya na ang mga artist ang
nagpapakita ng tunay na ganda ng mundo gamit ang mga ordinaryong bagay. Umalis
siya sa paaralan at naghanap ng taong makakapagturo sa kanya ng bagay na gusto
niyang matutunan. At dito niya nakilala si Brinstorm
Ligor, isang kilalang pintor ng kanyang henerasyon. Noong una ay ayaw
siyang tanggapin nito dahil wala namang nakikitang potensyal sa batang tinigil
ang pag-aaral, kumbaga sa prutas, hilaw pa siya. Hindi niya makita ang pagiging
artist nito. Pinapabalik niya ito sa
paaralan dahil baka hindi niya pa natutunan ang dapat niyang matutunan. Hindi
sapat na gusto mo lang, sabi niya dito. Pero hindi tumigil ang batang Ira.
Natulog siya ng ilang gabi sa harapan ng bahay ng guro. Nakita ni Ligor ang pagiging pursigido nito kaya
napilitan siyang tanggapin. Pagkatapos ng ilang sesyon ng kanilang pag-aaral ay
kusang umalis ang batang Ira at hindi
na bumalik pa. Natuklasan niyang hindi pala ito ang gusto niya. At patuloy niya
itong hinanap sa labas ng paaralan.
Maagang napuno ang bulwagan, kahit isang oras pa bago
magsimula ang programa. Kahit mga hindi magkakakilala ang ilang magkakatabi, sa
pamamagitan lang ng mga salitang nagmula sa libro ni Ira ay madali silang nagiging magkaibigan. Marami na ring
nangyaring ganitong pagkakataon sa mga nakaraang sermocino ni Ira. Sa unang pagkikita sa loob ng awditoryum,
bulwagan, court, parking lot, at iba
pang lugar, sa tuwing lumalabas ang mga tao ay para na silang matagal na
magkakakilala basta mapag-usapan lang nila ang mga teorya ni Ira. Lahat ay intelektuwal. Pinipilit
nilang mag-aral ng mabuti nang sa gayon ay masundan nila ang kaisipan ng
kanilang idolo. Nasa puso nilang lahat ang pilosopiya ni Ira. Nagpapasalamat na sa henerasyong ito sila isinilang kung
kailan sumibol ang buhay ng isang dakilang pilosopo.
Sinisilip niya mula sa gilid ng entablado ang ekspresyon ng
mga tao, ano kaya ang dahilan ng kanilang ngiti, ng kanilang simangot, ng
kanilang lungkot. Ano kayang iniisip nila ngayon at anong iisipin nila mamaya
pagkatapos niyang magsalita. Hindi siya interesadong malaman, gusto niya lang
tanungin ang tanong na iyon. Gusto niyang maramdaman na may pagbabago siyang
nagawa para sa mga taong hindi niya kilala at kahit kailan ay hindi makikilala,
mga taong habambuhay ay ang mga gawa lang niya ang makikita at hindi ang tunay
na siya. Masayang isipin pagkatapos ng kanyang mga pinagdaanan.
Dahil sa umalis siya sa paaralan niya ay umalis na rin siya
sa bahay nila, at kasunod ay umalis pa siya sa tahanan ng kanyang guro. Handa
niyang iwanan ang lahat basta magawa lang niya ang sa tingin niya ay gusto
niya. Ganito siya kadeterminado at katigas ang ulo. Wala siyang pakialam sa
mangyayari sa kanya basta't hindi niya ito ikamatay. Nguni't sa panahong ito ay
hindi niya pa rin maintindihan kung anong gusto niyang gawin, na higit pa sa
pakiramdam ng patay, ang kawalan ng direksyon. Bakit niya pinipili ang mahirapan
kaysa magpaagos na lang sa takbo ng buhay, mag-aral, maka-graduate at
magtrabaho o kaya ay magpinta, mag-ukit, at magdisenyo. Ngayon ay nasa kalsada
siya, napapaligiran ng mga taong hindi niya kilala at walang pakialam sa kanya,
hindi alam kung saan tamang pumunta, naglalakad ng walang patutunguhan. Umupo
siya sa ilalim ng malaking puno ng Bodhi,
nilabas ang iilan sa mga gamit sa kanyang bag, dalawang pirasong lapis at isang
notebook na may isandaang blankong
pahina, ito sana ang gagamitin niyang diary
kaso hindi siya nagkaroon ng pagkakataong magsulat, ngayon lang na wala na sa
kanya ang lahat. Nag-isip siya, binalikan ang mga nangyari sa kanya. Sinulat
niya ang lahat ng kanyang karanasan at repleksyon niya dito. Dito, sa ilalim ng
puno ng Bodhi, sumibol ang una niyang
aklat.
Limang minuto na lang, magsisimula na ang programa. Tahimik
ang lahat ng nag-aabang. Walang gustong gumawa ng ingay. Nakatingin ang lahat
sa entablado, hinihintay marinig ang mahinang yapak ng isang tao, tao katulad
nila pero kakaiba sa kanilang mata, espesyal. Sabik na hinihintay masilayan ang
anino ng taong dahilan kung bakit sila narito ngayon para magkatipon-tipon.
Napapansin kaya nilang nakangiti silang lahat ngayon, tanong ni Ira sa kanyang sarili, at nawawala ang
konsepto nila ng oras?
Sa ilalim ng puno ng Bodhi
ay malinaw na bumalik sa kanyang isipan ang lahat ng kanyang alaala ng
nakaraang mga taon, lahat ng kanyang iniisip, lahat ng kanyang ideya, parang
bukas na gripo sa pagtulo, hindi niya mapigilan. Para siyang inangkin ng hindi
maipaliwanag na lakas at ito ang nagsusulat gamit ang kanyang kamay. Hindi
talaga siya ang nagsusulat, paniwala niya. Sa loob ng isang linggong walang
kain, walang inumin, walang tulog natapos niya ang kanyang libro. Hindi niya
namalayan na isang linggo na pala ang nakalipas. Sa kanyang pagsusulat ay
napunta siya sa ibang dimensyon kung saan hindi naabot ng kahinaan at
limitasyon ang tao.
Paglabas niya ay nagpalakpakan at nagsigawan ang mga tao.
Hindi mapigilan ng iba ang pagtulo ng luha sa kanilang mata dala ng kagalakan.
Hindi nila mapigilan ang kanilang emosyon. Parang isang panaginip na nasa harap
nila si Ira, ilang kilometro lang ang
layo ng kanilang idolo sa kanila. Binati niya ang lahat ng magandang gabi at
sabay sabay na sumagot ang mga tao ng magandang gabi rin. Nagpakilala siya
kahit kilala na siya ng lahat, at nagsimula sa pagkukuwento ng araw pagkatapos
niyang magsulat sa ilalim ng puno.
Pagkatapos niyang isulat ang huling letra ay bumalik sa
kanya ang lahat ng pagod, gutom at puyat na kanyang nakalimutan. Nagpahinga
muna siya sandali. Sa kanyang panaginip ay nakita niya ang kanyang sarili.
Hindi niya maintindihan kung anong ginagawa niya, basta ang natatandaan niya ay
nagsasalita siya sa harap ng mga tao, hindi rin maalala kung anuman ang
sinasabi niya. Pagkagising niya ay wala na ang kanyang bag. Mukhang nanakaw
kasama ang kanyang notebook! Pati ba
naman ang halos pulubing tulad niya, mananakawan pa. Wala na siyang lakas,
ramdam niya ang kahinaan ng kanyang katawan kaya kahit man lang magsalita ay
hindi niya magawa. Mamatay na ba siya? Hanggang dito na lang ba siya? mga
tanong niya sa kanyang sarili. Sa kanyang pagkakaupo ay may batang hindi niya
kilala ang lumapit at binigyan siya ng pagkain at inumin. Walang pagsidlan ang
kanyang tuwa at pasasalamat sa bata. Sa paglipas ng maraming taon ay
magkakaroon siya muli ng utang loob sa batang iyon pero kahit kailan ay hindi
na niya malalaman. Nang magkaroon na siya ng lakas ay napagdesisyunan niyang
umuwi na lamang at bumalik sa kanyang mga magulang, humingi ng tawad at muling
ipagpatuloy ang naudlot na pag-aaral. Uunahin niya muna ang sariling buhay, at
kung sakaling nasa sapat na siyang pag-iisip ay bakasakaling malalaman na niya
ang dapat niyang gawin, baka nga tama ang una niyang guro, hilaw pa siya. Sa
kanyang paglalakad pauwi ay may nasalubong siyang matandang lalaki na parang
nawawala, tumitingin ito sa paligid na parang may hinahanap. Dahil alam niya
ang lugar doon ay lumapit siya dito para tulungan ang nawawalang lalaki. Nakita
niya na hawak ng lalaki ang kanyang nawawalang notebook. Dahil sa kabutihang natanggap niya kanina mula sa bata ay
hindi siya nagkaroon ng lakas para pagbintangan na magnanakaw ang lalaking may
hawak ng kanyang notebook, tinanong
niya na lamang ito kung may maitutulong ba siya sa kanya. Hinahanap ko ang
may-ari ng notebook na ito, sagot
nito sa kanya. Bakit, tanong niya. Nakita ko ang notebook na ito na nakakalat sa isang upuan sa parke, binuksan ko
ito at binasa, sa mga unang pahina pa lang, alam ko na isang henyo ang nagsulat
nito, kaya gusto kong malaman kung sino ang may gawa nito baka hindi pa siya
nakakalayo, sabi ng lalaking maliwanag ang mukha. Ako po ang may-ari ng niyan,
sagot niya, at kinuwento niya ang kanyang pinagdaanan bilang pruweba na kanya
ang mga karanasang nakasulat doon.
Kita niya mula sa entablado ang liwanag mula sa mga mata ng
kanyang manonood, ang kulay ng pag-asa. Marami nga ba siyang nagawa sa kanyang
buhay at ito na ang tamang panahon para sa libro niyang ito. Sapat na ba ang
kanyang mga karanasan at naiambag sa mundo para ipaalam sa lahat ang kanyang
desisyon? May tamang panahon ba para sabihin na sapat na ang isang bagay?
Naging matagumpay ang paglathala ng kanyang unang libro,
bumenta ito sa iba't ibang bansa at naisalin sa iba't ibang lenggwahe. Agad
siyang nakilala sa kalahating parte ng mundo. Hindi niya mapigilan ang saya sa
kanyang dibdib nang malaman kung saan nga ba siya nararapat, kung anong daan
nga ba ang dapat niyang tahakin, sa wakas natagpuan na niya ang kanyang
kaligayahan. At para mas mapalalim pa ang kaalaman niya sa pilosopiya ay
pinag-aralan niya pa ito ng lubos sa ilalim ng tanyag na pilosopo na si Yurich Venchel. Naging proponent siya ng Dialektik Gesellschaftlichen Unbewussten, na pinamumunuan ng nasabing
guro, na ang pangunahing paniniwala
ay mauunawaan lamang ang kasaysayan ng mundo base sa social unconsciousness ng tao at hindi ito kayang kontrolin ng
sinuman, kusa itong nagbabago ng hindi namamalayan ng tao, ang magagawa na
lamang ng tao ay magpa-agos dito at magkaroon ng kamalayan kung anuman ang
nangyayari sa kanya. Nguni't nang mabasa niya ang libro ni Ferverome Gilsatensque na These
auf Grund ay nagbago ang kanyang pananaw. Ayon kay Gilsatensque, ang kasaysayan ng mundo ay hindi nakabase sa unconsious gaya ng paniniwala ni Venchel, ito ay nahuhubog gamit ang
reasoning o rasyonal na pag-iisip ng tao, hindi ito nangyayari ng wala sa
kontrol ng tao, kung naging mangmang man ang tao, ito ay ginawa niya sa kanyang
sarili at hindi ito ibinagsak lamang sa kanya. Choice. At simula nun ay bumaliktad at humiwalay na siya kay Venchel at humubog ng sarili niyang
daan. Sa pagdaan ng panahon ay nakabuo siya ng sariling teorya, na ang
kasaysayan ng mundo ay nababago lamang ng makapangyarihang mga tao at nitong
nakaraang siglo ang kapangyarihang iyon ay hawak ng mga taong nasa mataas na
posisyon o mga taong marami ang pag-aari kumpara sa karaniwan, ang kanyang
mungkahi, kung nais natin ng mas magandang mundo para sa lahat at mahubog natin
ang ninanais nating kinabukasan ay nararapat lamang na bigyan ng kapangyarihan
ang mga ordinaryong tao dahil nasa kanilang mga kamay ang susi ng pagbabago at wala
sa kamay ng mga nang-aapi.
Sa bago niyang isang libong pahinang libro nakatala ang
kanyang buhay. Ang lahat ng pagbabago ng kanyang kaisipan habang siya ay
tumatanda at nagkakaroon ng bagong karanasan. Sa bawat taon laging may
pagbabago, hindi lang basta dagdag sa mga nauna niyang ideya kundi panibagong
paraan kung paano titingnan ang mundo gamit ang mas malinaw na salamin. At
habang inaakyat niya ang hagdan patungo sa katotohanan ay mas minamahal siya ng
mga tao. Mas dumarami ang nakikinig sa kanya, mas tumataas ang benta ng kanyang
mga libro at mas dumadami ang imbitasyon sa kanya para magsalita at magbigay ng
lektura. Hanggang sa naging bantog na ang pangalan niya sa bawat sulok ng
mundo. Ipinagtaka rin niya ang pangyayaring ito. Bakit siya nagustuhan ng mga
tao? Marami namang ibang pilosopo ang naunang maging tanyag sa kanya, mas
maraming naisulat na libro at mas maraming teorya ang naiakda, bakit siya?
Isang kapwa niya pilosopo ang nakapagbigay ng malinaw na sagot nang tanungin
ito sa radyo. Dahil si Ira ay patuloy
na hinahanap ang katotohanan. Siya ay alagad ng agham sa larangan ng
pilosopiya. Hindi siya takot magkamali kahit na kailangan niyang bumalik sa
wala, sa simula. Hindi siya nananatili sa isang ideyang nakita niyang may
butas. Ang tanging paninindigan niya ay ang paghahanap sa katotohanan ng ating
mundo, ng sansinukob, nating lahat. Binibigyan niya tayo ng panibagong bintana
para tingnan ang mundo mula sa labas at loob, at hindi siya maramot na ipakita
ang sarili niyang kahinaan, ang mga bagay na hindi niya pa alam. Hindi siya
mapagpanggap. At dahil dito ay minahal siya ng mga tao. Siya ang diyosa ng paradox at pinatunayan niya iyon sa
kanyang buhay.
Nang ilabas niya ang ikalima niyang libro,
binaliktad ang nauna niyang teorya sa ikaapat na libro. Ang una niyang
paniniwala tungkol sa kapayapaan, na makakamit lamang ito kung tama ang mga
taong nasa kapangyarihan gamit ang nararapat na sistemang pantay para sa lahat,
at makakamit lamang ito sa pamamagitan ng karahasan dahil ito ang kapangyarihan
ng gobyerno sa kanyang mga tao, ang monopolyo sa karahasan. Nguni't nang
makilala niya ng personal si Ker Vash at
naging kaibigan ay nagbago muli ang kanyang pananaw at isinulat niya ito sa
ikalimang libro. Ang bago niyang paniniwala na walang patutunguhan ang
karahasan sa pagkamit ng kapayapaan. Ang karahasan ay mamumunga lamang ng
panibagong karahasan. Na ang galit, poot at sakit ay manganganak lang ng mas
matinding galit, poot at sakit. Sa huli walang mararating na kapayapaan kundi
walang katapusang pighati kahit anong klaseng sistema pa ang gamitin. Kung
gusto ng tao ng kapayapaan, ang tanging magagawa niya ay magmahal. Korni mang
pakinggan, ayon sa kanya, ito lang ang kailangan ng mundo. At dahil sa
paniniwala niyang ito ay marami siyang nakaaway na ibang pilosopo at
rebolusyonaryo na dati ay parehas niya ng paniniwala, marami rin siyang
nakagalit na mga dating kaibigan. Pero sa kabila noon ay mas minahal siya ng
mundo.
Binasa niya ng malakas ang simula ng kanyang libro. Taimtim
na nakikinig ang lahat. Ayaw makaligtaan ang kahit isang salitang lumalabas sa
kanyang labi, kahit ang paghinto niya sa pagtatapos ng bawat pangungusap. Dahil
ngayon lang ito unang maririnig, hindi ito ginawan ng promosyon, at walang
ideya ang mga tao kung tungkol saan o anuman ang nakasulat dito pero naniniwala
sila na kung anuman ang nakasulat dito ay katotohanan.
"Der Denker hat
aufgehört zu denken."
Marami ang naiyak nang marinig ito. Kusang umagos ang luha
sa kanilang mga mata ng hindi nila namamalayan. Walang hanggang kalungkutan ang
nagsimulang pumukaw sa kanilang mga puso. Hindi nila ito inaasahan. Pero pinigilan
nilang lahat na gumawa ng ingay, kahit paghangos, para malinaw pa ring marinig
ang sasabihin ng taong nasa harap nila. tumutulo ang sariling luha.
Ang kanyang ideya ng ideyal na gobyerno ay nailathala sa
kanyang ikadalawanmpu't limang libro. Tinawag niya itong Freiheit. Mabilis itong naikalat sa buong mundo at hindi nagtagal
ay inimbitahan siya ng iba't ibang bansa bilang kasangguni kung paano
maisasakatuparan ang sistemang ito. Ayon sa kanya, hindi kailangan gumawa ng
maraming batas ng gobyerno, ang dapat na pagtuunan ng pansin ay ang edukasyon
ng mga tao, bigyan sila ng sapat na edukasyon para maabot ang ninanais nilang
antas ng katalinuhan nang sa gayon ay may kakayahan ang bawat mamamayan na
mag-isip para sa kanyang sarili at hindi nakaasa sa kung anumang maibibigay o
magagawa sa kanila ng gobyerno, ito ang pagbibigay ng kapangyarihan sa bawat
isa. Ang gawain lamang ng gobyerno ay bantayan ang karapatan ng kanilang
mamamayan. Sa ngayon ay may limang bansa na ang gumagamit ng ganitong sistema
at dahil naging maganda ang resulta ay pinag-iisipan na rin ng ibang bansa na
gamitin ito bilang kanilang paraan ng pamumuno. Dahil dito ay mas nakilala siya
sa tawag na Salbei der neuen Welt.
Natapos na niyang basahin ang unang kabanata ng libro, halos
lahat ng tao sa loob ng bulwagan ay umiiyak na. Ito ay pagpapaalam na sa mahaba
at masayang paglalakbay. Hindi siya pagod o yamot. May tamang pagkakataon lang
siguro para tumigil, para huminto, at ito ang pagkakataong iyon. Hindi niya
gusto, hindi rin niya ayaw, tanggap niya lang na darating ang panahong ito, na
kailangang humantong sa ganito. Lahat ng bagay ay may katapusan at ito ang sa
kanya. Maaaring huminto na siya sa pag-iisip pero hindi pa rin siya titigil
para mabuhay. Tumayo ang lahat at pinalakpakan siya. Ito na siguro ang
pinakamalakas at pinakamatagal na palakpak na natanggap niya, at maaaring ito
na rin ang huling palakpak na maririnig niya. Umakyat ang mga tao sa entablado
at niyakap siya. Walang nagtatanong kung ano ang dahilan ng kanyang paglisan,
nirerespeto nila ito kahit masakit. Mula sa malayo ay nakatingin sa kanya ang
kanyang asawa, lumuluha, ang batang lalaking nagbigay sa kanya ng pagkain at
nag-iwan ng kanyang notebook sa upuan sa parke.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento