Miyerkules, Enero 29, 2014

An unsolicited letter to the open letter of Lourd de Veyra to Vic Sotto.


Dear Lourd,

Patawad. 
Makiki-joy ride din kasi ako sa bandwagon ng mga open letters. Kahit hindi naman hinihingi ang opinyon ko. Siguro dahil marami akong time, gusto ko lang makiuso at medyo kulang ako sa atensyon. Pero huwag kang mag-alala, hindi naman ako magpapanggap na pseudo-intelektuwal na maraming alam tungkol sa pelikula't lipunan, tapos mukhang tanga lang pala, dahil wala naman talaga.

Magpapakilala nga pala muna ako, ako si.... Hiya ako eh. Basta, isa ako sa mga taga-hanga mo. Nasa elementarya pa lang ako, pinapakinggan ko na mga kanta mo. Isa sa mga paborito ko ay yung Kanlungan na ginamit sa commercial ng McDo. "Lumilipas ang panahon, Kabiyak ng ating gunita." Galing mong mag-gitara. Tuwing pinapakinggan ko yun dinadala ako sa aking pagkabata kung saan ang pinakamalaking problema ay sugat mula sa pagkakadapa. Nostalgic.

Joke lang.

Pero seryoso, bata pa lang ako alam ko na ayaw niyo ng banda mo sa baboy. Akala ko pa nga nun dahil vegetarian kayo. Meron din ako ng mga kanta niyo sa cellphone ko dati (sorry, illegal download), ang paborito ko yung Mr. Pogi in Space at Alak Sugal Kape Babae Kabaong. Nagkaroon ako ng bagong perspektibo sa musika dahil sa mga kanta niyo. Puwede pala yung ganun, parang tula tapos may instrumental sa likod. First time ko makarinig ng ganun. Dagdag pa yung boses mo na parang dinadala ako sa kalawakan at hinehele ako. Bagong konsepto ko ng cool. Pinapakinggan ko yun habang nasa biyahe ako papuntang eskuwelahan. Nadagdagan pa ang paghanga ko nang nalaman ko na Palanca awardee ka pala, kahit hindi ko pa alam kung tungkol saan yung award na yun.

Teka, maiba tayo, saan ba ako magsisimula?

Ay tanong pala muna, bakit ka nag-aksaya ng P220 para lang manood ng My Little Bossings kahit may ideya ka naman nang kalalabasan nito? Nanghihinayang ka tuloy sa pera mo.
Sana dito ka na lang nanood sa malapit sa amin, mura lang, sa Marketplace sa Kalentong. P110. Medyo pagpapasensyahan mo nga lang yung matigas na upuan, surot minsan, at mga taong nagkakapkapan sa KKK ng lodge. Pero ayos na rin, parehas lang din naman ng palabas sa kalahating presyo.

Hindi nga pala ako cinephile. Nanonood lang ako ng mga pelikula out of enjoyment. Hindi rin ako mahilig mag-kritiko. Ang isang movie critic na napanood ko pa lang ay yung kay Slavoj Zizek, Pervert's Guide to Cinema, na hindi ko pa rin tapos, lagi kasi akong nakakatulog dala nang sakit ng ulo.

Hindi ko pinanood ang My Little Bossings. Sa simpleng dahilan - wala akong pera. Heck, kahit na may pera pa ako, hindi pa rin ako pipila para manood nun. Ang pinaka-extent lang na magagawa ko para panoorin yun ay pag may nag-upload na sa YouTube ng malinaw na kopya. Pero pag-iisipan ko pa rin yun nang mabuti. Sayang din ang oras ko no.

Tulad mo, alam ko ring hindi para sa akin ginawa ang pelikula. Matanda na tayo. Iyon ang kadalasang banat sa'yo. "Hindi naman para sa'yo yun, para sa mga bata yun, kung ayaw mong manood, eh di huwag. Choice mo yun." May punto din naman sila kahit papaano. Hindi naman siguro iki-critic ng mga bata ang My Little Bossings base sa konsepto ng Matter and Memory ni Henri Bergson. Mga bata yun, makita lang nilang nagsasalita si Ryzza at yung anak ni Kris Aquino masaya na sila. Hindi rin naman nila ipagyayabang sa mga kaklase nila yung lalim ng kuwento pagdating ng pasukan kundi yung mga parte lang na nagpatawa sa kanila.
"Napanood mo na ba yung ano?"
"Ah oo, yung ano. Ang ano nga dun ni ano eh."
"Oo nga, saka yung ni ano ni ano inano."
"Ano?"
"Hahaha!"

"Hahaha!"
At kung masaya ang mga bata ay masaya na ang mga magulang. OK na yun. Kanya-kanyang trip lang. At para siguro doon gumagawa si Bossing ng mga pelikula.

Ang hindi nila nakikita ay ang epekto nito sa macro level. Sa social consciousness ng lipunan.
Bakit mga ganitong klase ng pelikula ang kumikita, ang madalas pinapanood ng nakararami, ng malaking bahagi ng populasyon, ng masa? Tingin ko hindi ka naman magrereklamo kay Bossing kung nilangaw ang pelikula niya. Ang problema, box-office hit, nagtala ng bagong record, P50 million sa isang araw, P340 million sa loob ng isang linggo, para sa PNY (Puwede Na Yan), hindi pinag-isipang plot, at minadaling pelikula, sabi mo.
Naniniwala akong hindi ka naiinggit dahil ganito kalawak ang impluwensya niya. Kundi nag-aalala ka sa kamalayan ng lipunan. Kaya ka nga gumagawa ng palabas tulad ng Word of the Lourd, Wasak, Balwarte at History. Para imulat ang mga tao sa mga nangyayari sa bayan at kahalagahan ng kasaysayan. Para bigyan ng due credit ang mga taong nag-uusad ng kamalayan ng iyong lahi. At nangangamapanya na pigilan si Kris Aquino na maging bise-presidente ng bansa balang-araw.

Naalala ko yung interview niyo kay Brillante Mendoza sa Wasak. Sabi niya, hindi naman layunin ng indie films na palitan ang mga mainstream films, mananatili yan kahit anong mangyari, ang importante lang ay mabigyan din ng sapat na espasyo ang mga pelikulang sumasalamin sa problema ng lipunan.

Wala lang, naalala ko lang. Anyway...

Narinig ko si Tito Sotto sa Eat Bulaga minsan, sabi niya "Ang hindi nila naiintindihan na para sa mga bata ang pelikulang 'to (rephrased)." Wala namang kumukontra sa kanya sa palabas nila para maging defensive siya pero siguro tungkol ito sa mga kritiko ng pelikula. Baka nga tungkol sa'yo.

Ayon sa isang pag-aaral, mas madaling i-rationalize ang isang deviant behavior kaysa baguhin ito. Mas madaling i-justify kung bakit nambababae ang isang lalaki - dahil innately polygamous - kaysa tigilan niya ito. Sa kaso nina bossing, mas madaling sabihin na hindi ito para sa inyo. Para sa mga bata ang mga pelikula niya. Huwag kayong manood kung ayaw niyo. Kaysa tanggapin ang opinyon ng taong hindi niya siguro personal na kilala at ikinalat pa sa iba. Dahil maaaring pagtanggap ito na patawa nga lang ang movie career niya, at pera pera na lang. Pagpasensiyahan mo na kung iyon ang pagkakaintindi ng iba. Hindi siguro nila nakuha yung parteng dinadakila mo si Vic Sotto bilang haligi ng kamalayan ng kultura at pelikulang Pilipino. Na hindi lang pagpapatawa ang hinihingi mo sa kanya dahil hindi lang ito ang kaya niyang ibigay, kundi ang pagiging ganap niyang artista, pagiging dalubhasa sa larangan ng sining ng pag-arte. At higit sa lahat, ayaw mo siyang maalala ng darating na henerasyon bilang isang komedyanteng kumikita lang ng maraming pera tuwing Disyembre, gusto mo siyang gumawa ng marka sa Pinoy cinema.

Suggestion. Bakit hindi mo siya bulungan, ikaw ang magsulat ng script, si RA Rivera bilang direktor, si Jun Sabayton bilang dakilang sidekick, at si Bossing ang bida. Gawa kayo ng collaboration. Tutal pista naman ng itim na Nazareno. May naisip na rin akong mga title: Tales of Enteng Kabisote. Ang Darling kong Aswang sa Kuko ng Liwanag. Okay ka Insiang ko. Himala ni FantastikMan.
Isama niyo na rin si Kris Aquino, malay mo magustuhan mo pala siya sa personal.
Keep writing.

Your fan,
Batman